Acetylene tank sumabog: 1 nasawi, 7 sugatan

MANILA, Philippines - Isa ang iniulat na nasawi, habang pito pa ang nasugatan sa pagsabog ng isang acetylene tank sa loob ng isang metal fabrication shop sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.

Ayon kay Supt. Eleazar Matta, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Batasan Hills station, sa inisyal na impormasyon nakilala ang nasawi sa alyas na Jonjon, 33; habang ang mga sugatan ay ang mag-asawang Leonilo at Bing Pasanillo; Ariel Pastrana; Joel Pastrana; at mga alyas na Fe; Leo, at isang Ted.

Karamihan sa mga biktima ay tinamaan ng debris at itinakbo sa Far Eastern University Nicanor Reyes Medical Foundation at East Avenue Medical Center.

Nangyari ang pagsabog ganap na alas -11 ng umaga sa may maliit na puwesto ng metal fabrication shop na pag-aari ng isang Reynaldo Bermas na matatagpuan sa panulukan ng Sta. Catalina at Sta. Monica Sts., Brgy. Holy Spirit.

Sa lakas ng pagsabog ay mistulang nagiba ang kabuuan ng shop, nabakbak ang bubungan at nagkabasag- basag ang mga salaming bintana ng mga kalapit na bahay nito.

Halos nahati ang tanke ng acetylene dahil sa sobrang lakas ng pagsabog.

Nilinaw ng opisyal na ang insidente ay kinukumpara sa pagsabog ng LPG tank kung kaya pinaalalahanan niya ang mga negosyante na huwag bumili ng substandard na tangke na maaring magdulot ng pagsabog.

Paiimbestigahan din ni Matta ang shop kung mayroong business permit na inisyu ang city hall para malaman kung may karapatan silang magtayo ng ganitong negosyo sa residential area.

 

Show comments