Bawas budget ng 79 SUCs ikinabahala

MANILA, Philippines - Naalarma si dating Pangasinan 3rd District Rep. Ma. Rachel Arenas sa planong pagbawas sa pondo ng pitumpu’t siyam na state colleges at universities na nakapaloob sa 2014 budget.

Si Arenas ay dating vice chair ng komite ng edukasyon sa House at may malawak na scholarship program na pinapairal sa kanyang distrito na umaabot sa humigit kumulang 7,000 iskolar.

Ginawa ni Arenas ang pahayag matapos lumitaw sa budget hearing na babawasan ang pondo sa ope­rasyon ng 79 state colleges at universities mula sa Commission on Higher Education.

Batay sa ulat, kakaltasan ng P1.4 million ang taunang pondo ng UP System habang halos isang milyong piso naman ang ibabawas sa pondo ng Mindanao State University .

Ilan pa sa unibersidad na tinabasan ng pondo ay ang MSU-Ilagan Institute of Technology, Isabela State University, MSU-Tawi-Tawi College of Technology and Oceanography, Palawan State University at Negros Oriental State University.

Ayon sa dating mambabatas, ang hakbang na ito ay maghahatid ng masamang senyales na hindi prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapataas ng kalidad ng edukasyon.

Hinikayat naman ni Arenas ang mga kapwa mambabatas na may malasakit sa mga kabataan na huwag hayaang mangyari ito dahil mauuwi ito sa mababang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Show comments