Clean-up operation ng MMDA, minamadali

MANILA, Philippines - Pinapapaspasan ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ginagawa nilang clean-up  operation sa Kalakhang Maynila  mula sa iniwang tambak ng basura nitong nagdaang bagyo dahil ina­asahan  na naman ang  pag-uulan sa mga susunod na araw.

Nabatid kay  MMDA Flood Control and Sewerage Management Office Director Emma Quiambao, bukod sa Manila Bay na panguna­hing tinutukan nilang linisin, naging puspusan din  ang paglilinis nila sa binabahang lugar ng EDSA, Taft Avenue, Magallanes at Roxas Blvd.

Aminado naman si Quiambao na sa pagsisimula ng kanilang clean-up operation noong nakaraang linggo ay kanilang napansin na hindi na kasingdami ang basurang dumadaloy sa mga kanal at drainage kumpara sa mga nagdaang araw.

Dahil na rin dito, ayon pa kay Quiambao, kailangan nilang paspasan ang paglilinis dahil sa inaasahan na namang pag-uulan sa mga dara­ting na araw lalo na’t may namataan na namang parating na  bagyo.

Hanggang kahapon ang target ng MMDA na tapusin ang isinagawa nitong clean-up operation partikular sa mga binahang lugar.

Show comments