MANILA, Philippines - Isang 19-anyos na kasambahay ang nasawi makaraang pasukin ng isang magnanakaw ang bahay ng kanyang amo sa lungsod Quezon at pagsaksakin ito, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ni SPO1 Eric Lazo, ang biktima na si Marjorie Velasco, dalaga, tubong-Isabela at stay-in sa Don Antonio Heights, Brgy. Holy Spirit sa lungsod.
Samantala, sa follow-up operation naman ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, agad na naaresto ang suspect na si John Dale Napagal, 24, binata ng Don Sergio Extension, Don Antonio Heights sa naturang barangay.
Si Napagal ay nadakip base sa testigong nakakita kung papaano niya pinasok at sinaktan ang nasawing si Velasco.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente ganap na alas- 9:50 ng umaga sa bahay na pinaglilingkuran ng biktima.
Nabatid na si Velasco ay walong buwan pa lamang naÂninilbihan bilang kasambahay ni Atty. Geraldin Grace Rabago kung saan bago mangyari ang insidente ay iniwan siya nito sa bahay kasama ang iba pang kasambahay.
Sabi ng testigong si Ma. Fe Arquillano, parttime house helper ng abogado, nasa ikalawang palapag siya ng bahay at namamalantsa nang makarinig siya ng malakas na boses mula sa labas.
Dahil dito, nagpasya si Arquillano na tignan ang pinanggalingan nito at habang pababa ng hagdan ay nakita niya si Velasco na sakal ng suspect at sumisigaw ng “Wag po! sige pumasok ka na! Ate! Lumabas na kayo dyan.â€
Sa takot ni Arquillano, agad siyang bumalik sa itaas at nagtago sa kisame. Hanggang ilang minuto ang lumipas ay dumating ang isa pang kasambahay na si Ronabeth Meneses at habang papasok ay napuna nito ang mga patak ng dugo sa sahig dahilan para agad siyang humingi ng tulong sa isang kapitbahay at nagpasama papasok sa loob. Dito na nila nakita ang biktima na naliligo sa dugo habang nakahandusay sa loob ng comfort room.
Agad na umuwi ng bahay ang abogada kung saan niya nakita ang walang buhay na katawan ng biktima, saka umakyat sa kanyang kuwarto at nadiskubreng nawawala na ang kanyang Apple MacBook pro laptop.
Sa isinagawang follow-up operation nila SPO1 Kristo Romualdo kasama ang mga testigo sa may squatters’ area sa may bahagi ng Don Sergio Extension St., naispatan nila ang suspect na naglalakad dahilan para ito arestuhin.
Kasong robbery with homicide ang isinampa ng CIDU-QCPD laban sa suspect.