Pasig holdap: 4-katao patay

Sinusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang isa sa mga namatay sa naganap na holdapan sa kilalang supermarket sa Pasig City habang isa naman sa tatlong­ holdaper ang napatay. (Mga kuha ni Bening Batuigas)

MANILA, Philippines - Apat-katao ang bumulagta matapos pagbaba­rilin ng apat na armadong kalalakihan na nangholdap sa sangay ng kilalang supermarket sa Barangay Rosario, Pasig City kama­kalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Chief Insp. Oscar Boyles, hepe ng Criminal Investigation Unit (CIU) ng Pasig City PNP, ang mga napatay na sina Melanie Belga, 35, lady guard ng Protect Security­ Agency, ng Westbank Road, Barangay Rosario; Frede­rick Perez, 34, security guard; Nonie Onas, merchandiser; at ang isa sa mga holdaper na si Hernani Lupera Jr., 35, dating sekyu, at nakatira sa Block 33, Lot 13, Phase 28, Barangay Bulcan, bayan ng Silang, Cavite.

Samantala, sugatan naman si Daisy Devanadera, 26, information clerk at nakatira sa Clarisa I, bayan ngTeresa, Rizal.

Sa ulat ni SPO1 Arjan Adriano, naganap ang in­sidente dakong alas-10:55 ng gabi sa loob ng Treasury Office ng supermarket sa Ortigas Avenue, Ba­­rangay Rosario, Pasig City.

Napag-alamang sarado na  ang supermarket nang isa sa mga kawani ang lu­mabas para magtapon ng basura pero sa muling pagpasok nito ay sinaba­yan siya ng apat na armadong kalalakihan.

Kaagad na tinutukan ng baril ang iba pang kawani kung saan pinadapa saka nagdeklara ng holdap.

Inatasan ang kahera na si Ritchelda Andeza na buksan ang safety vault ha­bang tinipon naman ang mga sekyu at nagbantang papatayin sakaling mag-ingay.

Isa sa mga kawaning­  babae ang nag-hyste­­ri­cal­­ at nagsisigaw kaya na­­­pi­li­tang pagbabarilin hanggang sa lumaban ang ibang sekyu kung saan napatay ang isa sa mga holdaper.

Nakatakas naman ang tatlo bago pa rumesponde ang mga operatiba ng pulisya.

Isa sa anggulong sini­silip ay ‘inside job’ dahil sa isa sa napatay na holdaper ay dating sekyu sa supermarket.

Binubusisi na rin ng pulisya ang footage ng CCTV camera para matukoy ang pagkakakilanlan ng tatlong holdaper.

 

Show comments