Tsinay trader todas, mister kritikal sa tandem

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang negos­yanteng Tsinay habang kritikal naman ang mister nito makaraang tambangan ng mga riding in tandem kamakalawa ng tanghali sa Valenzuela City.

Hindi na umabot ng buhay sa Fatima Medical Center si Cristina Ong, 67, habang nilapatan ng lunas at inoobserbahan sa nasabing ospital ang kalagayan ng mister na si Vicente Ong, 67, kapwa ng Canumay West, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na ulat ng Valenzuela City Police, nangyari ang insidente dakong alas-10:30 ng umaga. Sakay ng kanilang kotse at kala­labas lamang ng kanilang bahay ang mag-asawa upang magtungo sa kanilang pabrika nang harangin ng mga suspek lulan ng isang motor­siklo at paulanan ng bala.

Mabilis na tumakas ang mga salarin habang sinak­lo­lohan naman ang mag-asawa ng mga opisyal ng barangay at isinugod sa pagamutan. Narekober sa lugar ng krimen ang tatlong slug ng bala ng kalibre .45 baril.

Patuloy naman ang pulisya sa imbestigasyon sa motibo at mga taong nasa likod ng krimen. Isa sa tini­tignang anggulo ang awayan sa negosyo.

Show comments