Magkaibigan nilikida

MANILA, Philippines - Isang lalaki ang dead on arrival sa Gat Andres Bo­nifacio Memorial Medical Center Hospital (GABMMC) habang ang isa pa ay natagpuang patay sa kalye, sa Gate 52, Area C, Parola Compound, Binondo, Maynila.

Kinilala ang  biktimang sina Ernie Fernandez, 28, pedicab driver, ng Gate 56, Area H., Parola compound, Maynila na natagpuang pa­tay sa kalye, habang idi­nek­­larang dead on arrival naman ang kaibigan nitong si Cesar Gating, 33, vendor, ng Gate 54, Area C, Parola compound, na may tama rin ng bala sa katawan.

Wala pang nakuhang impormasyon ang mga awto­ridad sa pagkilanlan ng mga suspect.

Sa ulat ni  PO3  Julieto Malindog ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahagi ng Gate 52, Area C, Parola compound, Binondo, Maynila.

Ayon kay Desiree Fernandez, live-in partner ni Fernandez, bandang alas-5:00 ng hapon nang umalis ang huli para magtungo sa kaibigan sa perya at may magbalita sa kaniya na nakabulagta sa tama ng bala si Fernandez.

Nakuha sa lugar ng pi­nangyarihan ang dalawang basyo ng kalibre .45 at 10 basyo ng 9 mm na hinihinalang ginamit sa dalawang biktima.

Posibleng may kaugna­yan umano sa iligal na droga ang insidente, kung saan kilala ang lugar sa talamak na bentahan ng shabu.

 

Show comments