2 paslit nalitson sa sunog

MANILA, Philippines - Natusta ang dalawang paslit nang ma-trap  sa loob ng kanilang bahay nang biglang magkasunog  sa isang commercial-residential area sa panulukan ng Blumentritt extension at  Felipa Sts. Sampaloc, Maynila, kahapon ng umaga. 

Halos hindi na makilala nang matagpuan ng mga pamatay-sunog ang magkata­bing bangkay nina Arjun Salombre at Jaybrix Jacobe, kapwa 4-anyos at residente ng  2527 Blumentritt Ext. corner Felipa St., Sampaloc.

Sa ulat ni SFO2 Manuel Gazpar, ng Arson Investigation Section ng Manila Fire Bureau, naglalaro umano ang dalawang paslit nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng  bahay ni Myla Florendo, dakong alas-11:30 ng umaga.

Mabilis na kumalat ang apoy na umabot sa ikatlong alarma bago idineklarang fire-out dakong alas-11:59 ng tanghali.

Nabatid na apat na bahay ang nadamay na matupok kung saan tinatayang may P.3 mil­yon ang halaga ng ari-arian ang naabo.

Nasugatan naman sa kamay si  Jun Salombre,  ama ng biktimang si Arjun,  matapos na magwala matapos mabalitaan ang sinapit ng anak.

Samantala, patuloy na inaalam ng arson investigators ang dahilan ng sunog.

Show comments