MANILA, Philippines - Nagtapos na ang sunud-sunod na rolbak sa presyo sa langis makaraang magpatupad ng dagdag presyo ang mga kompanya ng langis epektibo kahapon ng umaga.
Sa magkahiwalay na abiso nina Raffy Ledesma ng Pilipinas Shell at Ina Soriano ng Pilipinas Shell, nagtaas sila ng halagang P0.50 kada litro ng unleaded at premium gasoline, P0.40 kada litro sa diesel at P0.25 kada litro sa kerosene eksakto alas-6 ng umaga kahapon.
Sumunod rin sa price hike ang nag-anunsiyo rin ng pagtataas ng kahalintulad ding halaga ang Chevron. Nakigaya rin ang Flying V.
Hindi pa naman nag-anunsiyo ng pagtataas sa kanilang presyo ang iba pang kompanya ng langis bagama’t inaasahang susunod na rin ang mga ito na posibleng sa kahalintulad ding halaga.
Magugunita na apat na sunud-sunod na linggo na nagtapyas ng presyo ng kanilang produkto ang mga kompanya ng langis bunsod na rin ng pagbagsak ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan na panandaliang ikinatuwa ng mga motorista.
Umalma naman, hindi lamang ang iba’t ibang grupo ng transportasyon kundi maÂging ng mga labor groups sa panibagong pagtataas ng presyo ng petrolyo kasabay ng paghahayag na hindi magandang pasalubong sa Araw ng Paggawa (Labor Day) ngayong araw ang oil price hike na ipinatupad ng mga dambuhalang kompanya ng langis.