Hindi nagpahuli nang buhay No. 9 most wanted criminal, patay sa shootout

MANILA, Philippines - Patay matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng pulisya na aaresto sa kanya ang itinuturing na No. 9 most wanted criminal sa National Capital Region (NCR)  na may mga kasong murder, robbery at droga, kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Namatay  habang ginagamot sa Tondo Genera­l Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang wanted na  si Michael Ignacio,­ alyas “Bulag”, ng Pla-Pla St., Dagat-Dagatan ng naturang  lungsod.

Ayon sa report ng Caloocan City Police, naganap ang insidente, dakong alas-10:30 ng umaga maka­raang magsagawa ng raid ang mga awtoridad sa pinagtataguan ng suspect  at  isilbi ang warrant of arrest­ dito hinggil sa mga kasong murder, robbery hold-up at droga.

Papasok pa lang sa bahay­ ang mga pulis ay sinalubong na sila ng putok ng baril ng suspect at isa sa mga ito ang tinamaan gayunman­, naisalba ito ng suot niyang bullet proof vest.           

Dahil dito napilitan ang mga pulis na gumanti ng mga putok na naging dahilan­ upang mapuruhan  si Ignacio  at bumulagta ito hanggang sa isinugod sa naturang ospital, ngunit hindi na rin naisalba ang buhay.

Narekober sa bahay ng akusado  ang isang kalibre .45,  dalawang .38 rev.  at isang granada.

Dinala naman sa pre­sinto ang asawa ng aku­sado  na si Maria Magda­lena Ignacio, 19, matapos makuha sa dala nitong pouch ang 8 sachet ng shabu.

Show comments