^

Metro

Nakapatay sa PNP major: Tsinoy sa madugong Skyway accident, tumakas sa ospital

Danilo Garcia - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Nakatakas sa mahigpit umanong pagbabantay ng mga pulis ang isang 50-anyos na negosyanteng Tsinoy sa kuwarto nito sa Asian Hospital bago pa man masampahan ng kasong kriminal kaugnay ng pagi­ging suspek sa pagkasawi ng isang opisyal ng pulisya at pagkakasugat ng apat pang katao, nitong nakaraang Sabado sa aksidenteng naganap sa Skyway sa Parañaque City.

Pinaiimbestigahan na ni NCRPO Director Leonardo Espina kung paano nagawang makatakas ng suspek na si Aldwin Co, gayung bantay-sarado ito ng mga pulis habang nakaratay sa Asian Hospital.

Isinugod si Co at ang kasambahay nitong si Grace Animay sa naturang pagamutan makara­ang mabundol ng kanyang mina­manehong Ford Mustang GT sports car ang Mistubishi Adventure na minamaneho ng nasa­wing si Chief Insp. Ferdinand Ro­sario, nakatalaga sa Regional Public Safety Bat­talion nitong Sabado sa south-bound lane ng Skyway.

Nasawi sa insidente si Rosario nang tumilapon palabas ng sasakyan ha­bang sugatan ang mga kasamahang pulis na sina PO1s Junry Ybanez, Merlito Paliwa at Andrew Lamayo.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang kapatid ng nasawi na si Atty. Conrad Rosario sa mga pulis na nagbabantay sa suspek at sa bagal umano ng isina­gawang imbestigasyon ng Highway Patrol Group (HPG).  Nanawagan ito kay Co na sumuko at panagutan ang kanyang krimen.

Sinabi naman ni SPO1 Ramon Paggadu, imbestigador na may-hawak ng kaso, na tiwala siya sa mga nagbabantay na pulis nang kanyang iwan sa naturang pagamutan. Itinanggi nito na naging mabagal sila sa pag-iimbestiga dahil sa nakatakdang isampa na umano nila ang kasong “reckless imprudence resulting to homicide at mul­tiple physical injuries” laban kay Co.

Nagtungo na rin sa kanyang bahay sa Ayala-Alabang at sa bahay ng ina nito sa Maynila ang mga pulis ngunit hindi nasumpungan ang suspek.

Samantala, ginawaran naman kahapon ni Espina ng “posthumous award” na Medalya ng Kasanayan si Rosario dahil sa paglalaan ng buhay nito sa serbisyo bilang pulis.

ALDWIN CO

ANDREW LAMAYO

ASIAN HOSPITAL

CHIEF INSP

CONRAD ROSARIO

DIRECTOR LEONARDO ESPINA

FERDINAND RO

FORD MUSTANG

SHY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with