MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit ng isang pulis makaraang masawi habang malubhang sugatan naman ang lima pa katao nang magbanggaan ang isang sports car at isang sports utility vehicle (SUV) sa Skyway sa bahagi ng Parañaque City kamakalawa ng tanghali.
Wala nang buhay nang isugod sa Ospital ng Muntinlupa dahil sa tinamong matiÂtinding pinsala sa katawan si Police Chief Insp. Ferdinand Rosario, 37, nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).
Nakaratay naman sa Camp Crame General Hospital sa Quezon City ang mga kasamahan nitong sina PO1s Junry Ybanez, Merlito Paliwa at Andrew Lamayo.
Isinugod naman sa Asian Hospital ang mga nakabanggaan na sina Aldwin Co, 50, negosyante, ng Ayala-Alabang at kasambahay nitong si Grace Animay, 31.
Sa ulat ni SPO1 Ramon Pagado, ng Highway Patrol Group (HPG), naganap ang banggaan dakong dakong alas-12 kamakalawa ng tanghali sa may south-bound lane ng Skyway-South Luzon Expressway malapit sa Sucat Exit.
Lulan ang apat na pulis sa isang Mitsubishi Adventure na minamaneho ni Rosario nang mabundol umano buhat sa likuran ng isang Ford Mustang GT sports car na wala pang plaka na minamaneho naman ni Co.
Sa lakas ng pagkakaÂbangga, nagpagulung-gulong ang Adventure sa kalsada hanggang sa sumalpok sa isang pader. Tumilapon naman palabas ng SUV si Rosario na nabundol naman ng isang Mitsubishi Montero.
Tumakas ang driver ng Montero na hindi naplakahan ng mga nakasaksi.
Sa lakas ng banggaan, nagkayupi-yupi ang Adventure habang wasak na wasak ang harapan ng sports car na Mustang.
Hindi pa naman mabatid sa imbestigasyon ang dahilan ng banggaan ngunit sa inisyal na testimonya ng mga saksi, napakabilis umano ng paÂtakbo ng driver ng Mustang na maaaring nawalan ng kontrol hanggang sa mabundol ang nasa unahan na Adventure.