MANILA, Philippines - Sugatan ang driver at dalawang estudyanteng sakay ng isang school service van makaraang tumagilid ito sa Pasig Boulevard sa Pasig City kahapon ng umaga.
Dalawa sa anim na estudyante ang isinugod sa The Medical City na nakilalang sina Marvin Trajano, 9, at John Remo Angca, 15, kapwa mag-aaral sa Don Bosco Technical College sa Mandaluyong City, na kapwa nagtamo ng minor injuries.
Bahagyang nasugatan din ang driver ng van (TXD-958) na si Danilo Angay na isinasailalim sa imbestigasyon ng Pasig City Police.
Ayon kay Angay, binabagtas niya ang Pasig Boulevard dakong alas-6 ng umaga matapos na sunduin ang mga suking estudyante nang isang tricycle ang biglang nag-cut at kanyang iniwasan sanhi upang sumampa ang minamaneho niyang van sa gutter ng kalsada, mawalan ng kontrol at tuloy na tumagilid.
Nagka-yupi-yupi ang harapan ng sasakyan habang mabilis na rumesponde ang Pasig City Rescue Unit. Nang mabigyan ng paunang lunas, dumiretso na sa pagpasok ang mga estudÂyanteng hindi gaanong nasaktan sa insidente habang dinala sa pagamutan ang dalawa nilang kasamahan.