MANILA, Philippines - Isang 47-anyos na taxi driver ang patay matapos na barilin ng kanyang pasahero kahapon ng madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Gerwin Maribojoc ng Don Bosco, Parañaque City habang inilarawan naman ang suspect na may taas na 5’4’’-5’5’’, nakasuot ng puting t-shirt at maong short pants.
Sa report ni Det. Glenzor Vallejo ng Manila Police District (MPD)-Homicide section, dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang natagpuang patay ang biktima sa loob ng kanyang taxi (UVB 804) RYO taxi sa Fajardo St., Sampaloc, Manila.
Ayon naman kay Jose Villegas, 60, flowershop decorator, naglalakad siya nang mapansing nagmamadaling luÂmabas sa nasabing taxi ang isang lalaki.
Sa kanyang pagbalik ay napansin nitong nakahinto ang taxi kaya nito nilapitan at tumambad sa kanya ang katawan ng biktima na wala ng buhay at nakalugmok sa kanyang manibela kaya ipinagbigay alam nito kay Bgy. Chairwomen Beth Benigno.
Bagama’t wala namang nawala sa kagamitan ng biktima, hinihinala na nagtalo ang biktima at suspect na humantong sa pagbaril ng huli sa una.
Inaalam pa din ng pulisya ang moÂtibo ng pamamaslang habang nakalagak ang bangkay sa Arcanghel Funeral.