MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng National Bureau of Investigation (NB)I na dinukot ang bayaw ng isa pang pyramiding scam na si Jachob “Coco†Rasuman, na pinaniniwalaang konektado sa pambibiktima ng maraming residente sa Mindanao.
Ayon kay Atty. Virgilio Mendez, NBI deputy director for regional operations services, ang dinukot ay si Henry Khalid Tomawis, kapatid ng asawa ni Rasuman.
Si Tomawis ay dinukot umano nitong Sabado, Marso 2, dakong alas-3:00 ng hapon sa highway na papunta ng Iligan galing ng Marawi. Sakay umano si Tomawis ng isang SUV nang siya ay harangin sa Barangay Payawan, bayan ng Baloi sa Lanao del Norte ng humigit kumulang sa 20 armadong kalalakihan.
Natagpuan na umano ng PNP ang sasakyan ni Tomawis sa bayan din ng Baloi. Patuloy pang inaalam ng pulisya katuwang ang militar kung saan itinatago ng mga kidnapper si Tomawis.
Hindi naman iniaalis ng NBI ang posibilidad na konektado ang pagdukot sa kabiguan ng grupo ni Rasuman na maibalik ang perang ipinuhunan ng kanyang mga investor matapos mapaso nitong Pebrero 28, ang deadline para sa pagbabayad sa mga nabiktima ng kanyang pyramiding scam.