MANILA, Philippines - Sa halip na masayang pagdiriwang, dalamhati ang sumalubong sa isang ina makaraang abutan na lamang nitong isang sunog na bangkay ang kanyang anak na dapat sana ay magdiriwang ng kanyang ika-9 na taong kaarawan sa sunog na sumiklab sa kanilang lugar sa lungsod Quezon kahapon.
Nakilala ang nasawi na si Ana Relano, ng Evangelista St., Brgy. Tagumpay sa lungsod.
Sinasabing si Ana na ipinanganak ng Pebrero 29, 2004 ay magdiriwang sana ng kanyang kaarawan kahapon at iniwan ng kanyang nanay na si Jennalyn para mamili ng panghanda nang maganap ang sunog.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, bukod kay Ana, isang bumbero na nakilalang si Angel Aala, 31, fire volunteer ang malubhang nasugatan makaraang mahulog mula sa bubungan ng isang bahay na una ang ulo habang inaapula ang sunog.
Isinugod din sa ospital ang isang Dolores Diaz, 70, matapos na ma-suffocate ng makapal na usok.
Tinatayang aabot sa 60 pamilya at 30 bahay ang natupok ng apoy sa may Evangelista St., Brgy. Tagumpay sa lungsod.
Nagsimula anyang sumiklab ang sunog ganap na alas- 4:50 ng umaga sa ikalawang palapag ng bahay ng isang Mendez Sollano. At dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay sa lugar ay mabilis na kumalat ito hanggang sa umabot sa ika-5 alarma.
Pasado alas-6:20 ng umaga nang tuluyang ideklarang fire out ang sunog at nang isagawa ang clearing operation ay saka natuklasan ang sunog na bangkay ng bata.
Sabi ng BFP, posibleng nadaganan ng bumabagsak na kahoy mula sa bahay nila ang biktima kung kaya ito naipit sa loob at maÂdamay na rin sa sunog.