Shootout: Holdaper patay

MANILA, Philippines - Napatay ang isa sa riding-in-tandem na holdaper makaraang makipagpalitan ng putok sa mga pulis matapos na makapambiktima kahapon ng mada­ling-araw sa Quezon City.

Ayon kay Quezon City Police District director Senior­ Superintendent Richard Albano ang napaslang na suspek na bagamat hindi pa nakikilala ay  positibong itinuro ng biktima nitong si Jenny Lyn Pudadera, 29, na isa sa nangholdap sa kanya sa kanto ng Sgt. Esguerra St. at Panay Avenue sa lungsod.

Bumulagta ang suspek matapos na makipagbarilan sa mga tauhan ng QCPD-Station 10 sa kahabaan ng Quezon Avenue malapit sa Lung Center of the Philip­pines may 15 minuto makaraang pagnakawan si Pudadera.

Nasamsam sa suspect ang isang home-made .38 caliber revolver na ginamit sa pakikipagbarilan sa mga pulis. Narekober din dito ang bag ng biktima na may lamang dalawang cellphone, P400 cash, identification cards at iba pang personal na gamit.

Nakatakas naman umano ang kasamahan nito sakay ng isang motorsiklo.

Nabatid na naglalakad ang biktima sa nabanggit na lugar nang harangin ng mga suspek sakay ng isang motorsiklo at itinakbo ang bag ng biktima.

Gayunman, agad na nakahingi ng tulong ang biktima sa mga pulis na noon ay nagpapatrulya  na nagsagawa ng follow-up operation.

Namataan naman ang mga suspek sa may kahabaan ng Quezon Avenue. Akma pa lamang na iins­pek­siyunin ng mga pulis ang mga suspek, pero agad pinaputukan ng mga ito ang mga sumitang pulis dahilan para makipagpalitan na ng putok ang mga parak na doon tinamaan ang isa sa mga suspect.

Show comments