Coed nanlaban sa holdap, suspect kalaboso

MANILA, Philippines - Arestado ang isang kilabot na holdaper makaraang manlaban ang biniktima nitong kole­hiyala, kahapon ng madalinga araw sa Pasay City.

Bumagsak sa Pasay City Jail ang suspek na nakilalang si Mark Allen Baliwag, 32, ng Cembo, Makati City at miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang.

Sa ulat ng Pasay City Police, mag-isang nag-aabang ng masasakyan ang biktimang si Emiku Namkoong, 18-anyos, 2nd year student ng Saint Benilde College-Manila sa tapat ng isang bus station sa may Gil Puyat Avenue­, Pasay dakong ala-1:50 ng madaling- araw nang lapitan ng suspek at tutukan ng patalim.

Sa halip na ibigay ang handbag na naglalaman ng P2,500 cash, cellphone at iba pang gamit, nanlaban ang dalaga ngunit sinapak ito sa mukha ng suspek at kinaladkad sa isang madilim na bahagi ng kalsada saka inundayan ng saksak at hinablot ang bag.

Ngunit sadyang matapang ang biktima na hindi nawalan ng loob na nagsi­sigaw ng saklolo. Dito natawag ang pansin nina Jose Clemente at Ardie Bailon, kapwa barangay tanod na siyang humabol at nakaaresto sa suspek.

Mabilis namang isinugod sa Pasay City Ge­neral Hospital ang biktima na masuwerteng nakaligtas makaraang malapatan agad ng lunas.

Nabawi naman kay Baliwag ang handbag ng biktima, pati na ang dugu­ang patalim na ginamit nito sa panghoholdap.  Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong hold-up robbery at frustrated homicide laban sa suspek.

Show comments