Holdaper bagong laya, muling kumana, kalaboso
MANILA, Philippines - Hindi pa nagtatagal sa paglaya, balik kulungan ang isang kilabot na holdaper makaraang muling mambiktima ng isang lalaki, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Muling nakadetine sa Pasay City Jail ang suspek na si Jessmark Nichols, 20, binata, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang, at residente ng M. Dela Cruz Ext. ng naturang lungsod.
Sinampahan ng kaso ang suspek ng kanyang biktima na si Jeric Resare, 35, isang hardinero, residente ng Sitio 2 Block-6, Brgy. Fort Bonifacio, Taguig City.
Sa ulat ng Pasay City Police, nagpapatrulya sina PO1s Judyric Cadiz, Acapulco Castillo ng PCP-7, nang mapansin na hinoholdap ng suspek si Resare sa tapat ng Lion Club videoke bar sa may EDSA dakong alas-2:30 ng madaling-araw.
Agad na nasakote ng mga pulis si Nichols at narekober ang mga gamit na tinangay kay Resare maging ang patalim na gamit sa panghoholdap.
Base sa rekord ng pulisya, kalalaya pa lamang ng suspek nitong nakaraang Lunes dahil sa kasong panghoholdap din nang agad na bumalik sa iligal na gawain.
- Latest