Pulis na namagitan sa away, patay

MANILA, Philippines - Isang pulis ang nasawi matapos na barilin habang namama­gitan sa away ng kan­yang mga kapitbahay sa Marikina City, ka­hapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Marikina City Police chief P/Sr. Supt. Gabriel Lopez ang biktima na si PO3 Conrado Las Piñas, 36, nakatalaga sa Station Anti-Illegal Drugs ng Pasig City Police at residente ng 16 Saint Jude St., Saint Claire III, Concepcion I, Marikina City.

Arestado naman ang isa sa mga suspek na si Abdul Bare Adiong Salik, 37, kapitbahay ng biktima, habang pinaghahanap pa ang tatlong umano’y kasabwat nito.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:05 ng mada­ling-araw nang maganap ang insidente sa Saint Jude St., sa Saint Claire III, Brgy. Concepcion Uno.

Nauna rito, katatapos lamang umanong uminom ng biktima at ng isang Allan at nang pauwi na ang huli ay bigla na lamang itong hinarang ng suspek.

Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa makialam umano ang tatlo pang kasama ng suspek. Dahil dito, namagitan ang pulis sa away at tinangkang ayusin ang problema ngunit isa sa mga suspek ang kaagad na bumaril sa biktima na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Nang makitang humandusay ang biktima ay kaagad nang tumakas ang mga suspek ngunit nadakip si Salik ng mga rumespondeng pulis.

Show comments