Tulfo lusot sa 2 kaso

MANILA, Philippines - Lusot sa kasong physical injuries at child abuse ang beteranong mamamahayag na si Ramon Tulfo makara­ang ibasura ng Pasay City Prosecutor’s Office ang mga kasong isinampa ng mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barreto kaugnay sa nangyaring bugbugan sa NAIA Terminal 3 noong Mayo 2012.

Sa 4-pahinang re­solusyon ni Senior Assistant City Prosecutor Manuel Loteyro, ibinasura ang mga kaso laban kay Tulfo dahil na rin sa kawalan ng sapat na ebidensiya na magdidiin sa kanya.

Nakasaad pa sa resolusyon na hindi rin ma­aaring sampahan ng kasong child abuse si Tulfo dahil sa ilalim ng batas na lumikha nito, maaari lamang kasuhan ang akusado kung ang pananakit sa bata, maging ito man ay pisikal o psychological ay dapat na sinadya, direkta at may paghahangad.

Sa ilalim ng R.A. 9262, nakasaad sa “psychological violence” na makaka­suhan lamang ang isang tao na nagpakita ng karahasan sa bata kung may relasyong seksuwal sila ng ina­akusahan.

Hindi naman ito angkop sa kasong isinampa ng mag-asawang Santiago laban kay Tulfo.

Hindi rin kinatigan ng piskalya ang akusasyon ng mag-asawang Santiago na sinaktan sila ni Tulfo nang tanungin lamang nila kung bakit sila kinukuhanan ng larawan.

Sinabi ni Loteyro na napaka-imposible para sa isang senior citizen na kaagad na mananakit ng kapwa dahil lamang sa isang hindi nakakainsultong tanong.

Nauna rito, ibina­sura rin ni Pasay City Prosecutor Theresa Purzuelo ang kasong physical injury, grave coercion at oral defamation na isinampa naman ni Tulfo laban kay Claudine Barreto subalit inirekomenda naman ang paghahain ng kasong physical injury laban kay Raymart Santiago at sa kasamahan nilang si Eduardo Atilano na nakita sa video footage.

Show comments