Trike driver itinumba, habang namamasada

MANILA, Philippines -  Patay ang isang tricycle driver habang sugatan ang kasamahan nito nang sorpresang pagbabarilin ang una ng hindi matukoy na salarin sa lungsod Quezon kamakalawa.

Nakilala ang nasawi na si Joey Escalante, 29, ng Ermin Garcia St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao, habang sugatan naman si Mastora Calibay, 29, kapwa driver ng nasawi.

Ayon sa pulisya, nakarekober  ng isang plastic sachet na hinihinalang shabu sa biktima matapos ang pamamaril na nangyari sa Salaam Compound, Brgy. Culiat. Sinabi ng sugatang si Calibay na hindi nila nakita kung sino ang bumaril sa kanila ni Escalante na agad na nasawi sa lugar.

Ang insidente ay naganap dakong alas-6:35 ng gabi habang ang biktima ay namamasada sakay ng kanyang tricycle sa harap ng isang mosque sa kahabaan ng Libyan Street.

Sabi ni Calibay narinig niya ang isang putok ng baril, sanhi para tingnan niya ang pinagmulan nito hanggang sa makita si Escalante na nakasubsob sa kalsada.

Napuna na lang ni Calibay na maging­ siya ay sugatan nang may tumagas na dugo mula sa kanyang katawan hanggang sa itakbo na rin siya sa East Avenue Medical Center para magamot.

Narekober sa tabi ni Escalante ang isang 12 gauge shotgun na may tatlong bala, isang fired cartridge, gayundin ang tatlong bala ng kalibre 9mm.

Show comments