Mister tinodas sa tabi ni misis

MANILA, Philippines - Mismong sa tabi ng kanyang misis pinatay ang isang 40-anyos na mister ng hindi­ nakikilalang suspect na sakay ng motorsiklo sa Sta. Mesa, Maynila kamakalawa ng hapon. Dead-on-arrival sa UERM Hospital ang biktimang si Mannifer Telan, ng Danka St., V. Mapa, Sta. Mesa, Maynila. Mabilis namang tumakas ang salarin na tinatayang may taas na 5’7’’ hanggang 5’8’’, nakasuot ng itim at puti na jacket, maong pants at helmet na kulay itim at puti.  Sa report ni Det. Charles John Duran ng Manila Police District (MPD)-Homicide section, dakong alas-9:00 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa Road 2, V. Mapa, Sta. Mesa, Manila. Nauna rito, sakay ng isang tricycle ang biktima at misis nitong si Gemma matapos sunduin ng una ang huli sa pagtitinda  sa V. Mapa nang pagsapit sa nasabing lugar ay dinikitan ng suspect at walang sabi-sabing binaril ang biktima. Sinabi pa ng biktima sa kanyang misis na “nabaril” siya kaya inutusan ni Gemma ang tricycle driver na isugod ito sa ospital subalit idineklara itong dead-on-arrival sanhi ng balang bumaon sa kanyang kaliwang dibdib. Inaalam pa ng pulisya kung ano ang motibo sa pagpatay.

 

Show comments