MANILA, Philippines - Ibinunyag ng Quezon City Police District (QCPD) na ang anak ng convicted kidnapper na si Rolando Fajardo ay sumunod na sa yapak nito matapos bumuo ng isang organisadong grupo na nakabase sa Southern Luzon at nasangkot na sa marahas na panghoholdap sa Suki market sa lungsod Quezon, noong nakaraang taon.
Ang impormasyon ay base sa reklamo na inihain ng QCPD laban kay Thaddeus Fajardo, anak ni Rolando, at tatlo pa nitong kasamahan ng kasong robbery at frustrated murder sa piskalya kaugnay sa panghoholdap sa Suki market noong Disyembre 20, 2012. Si Fajardo ay itinuro ng naarestong suspect na si Charlie Mamalayan na isa sa tatlong kasama niya nang holdapin ang isang stall sa naturang pamilihan.
Ang dalawa pa umano sa mga ito ay sina Christopher Castillo, ay patuloy na nakakalaya, at si Juniel Siguenza na nasawi nang mabaril ng mga rumispondeng pulis sa nasabing insidente.
Maaalalang si Rolando Fajardo, ang tatay ni Thaddeus ay nahatulan ng kidnapping ng isang Japanese businessman noong 1986. Ang matandang Fajardo ay nakulong sa loob ng 18 taon.
Bukod sa tatay, ang kapatid ni Thaddeus na si Ruperto ay naging wanted sa batas sa kasong eight counts of kidnapping at isang kaso ng car theft, ay naaresto noong Nobyembre 2010 nang ito ay bumalik sa bansa matapos magtago sa Italy sa loob ng walong taon. Isa pang kapatid ni Fajardo na si Harold, ay wanted dahil sa kidnapping at car theft at may patong na P1 million reward sa kanyang ulo.
Ayon sa opisyales ng QCPD, ang kasong robbery laban kay Fajardo na may kaugnayan sa panghoholdap sa Suki Market ang unang reklamong kriminal na isinampa laban dito. Sa ulat ng QCPD, pinangunahan ni Fajardo ang isang organisadong grupo na nag-ooperate sa Southern Luzon.