MANILA, Philippines - Nasa 258 firecracker zones ang inilatag ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa iba’t ibang panig ng Metro Manila para sa patuloy pa ring pagtatangka na mapababa ang bilang ng mga napuputukan sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sinabi ni NCRPO Director Leonardo Espina na sa naturang mga firecracker zones malayang magpaputok ang publiko sa kani-kanilang lungsod. Pinakamarami dito ang nasasakupan ng Northern Police District na may 107, Manila Police District (46), Southern at Quezon City Police Districts (45), at Eastern Police District (15).
Mahigpit na babantayan ng mga tauhan ng NCRPO ang naturang mga firecracker zones upang matiyak na walang iligal na paputok na masisindihan sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan.
Patuloy naman ang operasyon ng NCRPO sa pagkumpiska sa mga iligal na paputok lalo na ang nauusong Gangnam Boom, Pacquiao at Goodbye Bading.
Kasama rin sa kinukumpiska ang Piccolo, Watusi, 5-star, Pla-Pla, Judas Belt, Happy Ball, Dancing Dragon, Sparklers, Steel Beauty, Giant Trompillo, Mabuhay Rainbow, Roman Candle, Bawang at Dragon Blooming.