MANILA, Philippines - Isang bangkay ng babae na may gilit sa leeg at mga saksak sa katawan ang natagpuan sa isang kalye sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ang biktima na walang pagkakakilanlan ay isinalarawan sa edad na 25-30, chubby, morena, may taas na 4’8’’, nakasuot ng itim at puting stripe na t-shirt at itim na short pants, may mga hikaw ang tenga at headband.
Ayon kay PO2 Anthony Tejerero ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang biktima ay nadiskubre sa harapan ng isang bahay sa Puray St., cor. Santol Avenue, Brgy. Santol, ganap na alas-3:30 ng madaling-araw.
Sinabi ni Tejerero, ilang concerned citizen ang nakakita sa biktima at agad na ipinagbigay-alam sa mga opisyales ng Brgy. Santol na siya namang tumawag sa kanilang tanggapan para sa imbestigasyon.
Pinaniniwalaan ng CIDU na itinapon lamang sa lugar ang biktima, dahil walang sinumang residente ang nakakakilala rito. Maaring may katagalan na ring nakahandusay sa lugar ang biktima, dahil tuyo na ang dugong umaagos mula sa kanyang katawan.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ang biktima ay nagtamo ng hiwa sa kanyang leeg, saksak sa kaliwang katawan, at kaliwang hita.
Ang bangkay ng biktima ay nakalagak ngayon sa St. Rafael Funeral Homes para sa kaukulang disposisyon, habang iimbestigahan pa rin ang nabanggit na kaso.