2 ‘tulak’ nag-dwelo, kapwa sugatan
MANILA, Philippines - Kapwa sugatan ang dalawang lalaking hinihinalang miyembro ng sindikato ng droga makaraang magbarilan dahil sa onsehan kamakalawa ng umaga sa lungsod ng Muntinlupa.
Mahigpit na binabantayan ngayon ng mga tauhan ng Muntinlupa City Police ang mga suspek na isinugod sa Ospital ng Muntinlupa na sina Aldrin Cuarto, 25, Brgy. Bayanan, at Candido Mercado, Jr., ng Diliman, Quezon City.
Nabatid na kapwa kabilang ang dalawa sa “drug list” ng pulisya na isinasailalim sa operasyon.
Sa inisyal na ulat, naganap ang duwelo ng dalawa dakong alas-7 ng umaga sa bahay ng isang Rosario Gomez sa may Purok 1 Block 10 Brgy. Bayan-Bayanan. Unang narinig na nagtatalo ang dalawa na posibleng ukol sa bentahan nila sa iligal na droga.
Nang kapwa mag-init dito na nagkahamunan at nagbunot ng sarili nilang baril at nagbarilan sa loob ng bahay. Kapwa nagtamo ng tama ng bala sa katawan ang dalawang suspek.
Narekober ng pulisya sa lugar na pinangyarihan ng barilan ang isang kalibre .9mm, isang kalibre 38 revolver at tig-tatlong basyo ng bala mula sa dalawang uri ng baril. Patuloy naman ang mas masusing imbestigasyon sa naturang insidente.
- Latest