11-anyos na anak ng pulis, sugatan sa parak
MANILA, Philippines - Sugatan ang isang 11-anyos na batang lalaki na anak ng pulis nang walang habas na magpaputok ng baril ang isang lasing na pulis sa Tondo, Maynila.
Naghain ng pormal na reklamo kahapon sa MPD-General Assignment Section (MPD-GAS) ang biktimang si John Michael Agao. 11-anyos, elementary student at residente ng Perla St., Tondo, Maynila, kasama ng ina na si Cristina Agao, 41, laban sa suspect na si PO1 Allan Ruiz, ng nabanggit ding lugar.
Nabatid na ang biktima ay anak ng pulis-Maynila na si SPO3 Agao na nakatalaga sa MPD-station 9.
Sa ulat, naganap ang insidente nitong nakalipas na Sabado, dakong alas-4:00 ng hapon, sa Perla St., Tondo.
Sa salaysay ng ina ng biktima. nakita niyang lasing na naglalakad ang suspect na si PO1 Ruiz at hawak ang baril na nagpapaputok na nakatutok sa kalsada at nakasalubong nito ang naglalakad na si John Michael.
Sa kuwento ng biktima, hindi niya alam na may nagpaputok ng baril at inakalang firecrackers lamang subalit nang makalagpas na sa nasabing lugar, nakita niyang may tumutulong dugo sa kaniyang kanang hita kaya agad siyang dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC).
Nakalap sa lugar ng pinangyarihan ang isang live ammunition mula sa 9mm kalibreng baril at 6 pang empty shells.
Nang puntahan sa bahay ang suspect ay wala na ito doon, na pinaniniwalaang nagtatago.
Ayon kay Cristina, sasampahan ng kasong kriminal ang suspect dahil naberipika nila na ‘drop from the rolls’ na ang suspect kaya hindi na makakasuhan ng administratibo.
- Latest