1 dedo, 22 sugatan sa ‘patok’ na jeep
MANILA, Philippines - Isa ang nasawi habang 22 pang katao ang sugatan makaraang sumirko ang sinasakyang pampasaherong jeep matapos na unang sumalpok sa isang poste ng kuryente sa Marikina City, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawi na si Patricio Lopez, 46, residente ng Rizal St., Brgy. Concepcion Uno, ng naturang lungsod. Kasama namang isinugod sa Amang Rodriguez Medical Center ang driver ng jeep na si Kenn Medina Bautista, 26, ng Rodriguez St., Brgy. San Rafael, Montalban, Rizal at iba pang sugatang pasahero.
Sa ulat ng Marikina City Police-Station Traffic Management Unit, naganap ang insidente dakong alas-11:30 kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Rizal St., Brgy. Concepcion Uno. Nabatid na mabilis ang pagmamaneho umano ni Bautista sa jeep (NXH-331) at nagtangkang mag-overtake sa isa pang behikulo nang mawalan ng kontrol at bumangga sa isang poste ng kuryente.
Dahil sa bilis ng takbo, naging napalakas ang pagkakabangga ng jeep sanhi upang sumirko at tumaob ito. Nagtamo ng iba’t ibang pinsala sa katawan ang mga pasahero ng sasakyan na agad namang nirespondehan ng mga tauhan ng barangay at ng Marikina Rescue Team.
Nasawi naman dakong alas-3 kahapon ng madaling araw sa loob ng ARMC ang biktimang si Lopez dahil sa matinding pinsala sa ulo. Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting to homicide at multiple physical injuries laban kay Bautista.
Nabatid naman sa mga residente ng lungsod na lubha talagang napakabibilis ng pagpapatakbo ng mga driver ng jeep lalo na sa mga tinatawag nilang “patok” partikular na kung madaling-araw.
- Latest