3 armado nagpanggap na abogado: Lider ng ‘Ozamis robbery group’, itinakas sa Munti
MANILA, Philippines - Muli na namang nalagay sa kontrobersya ang New Bilibid Prison (NBP) makaraang isang preso na lider ng Ozamis robbery/holdup group ang itinakas ng tatlong armadong lalaki na nagpanggap na mga abogado kahapon ng umaga sa Muntinlupa City.
Ayon sa ulat, dakong alas-6:20 ng umaga nang dumating ang tatlong lalaki sa Reception Diagnostic Center sa West gate ng NBP at nagkunwaring mga abogado ng convicted inmate na si Ricky Cadavero, “alyas Kambal”, lider ng Ozamis robbery holdup group.
Nabatid, na habang kausap ng isa sa tatlong lalaki si Cadavero ay bigla namang tinutukan ng dalawa ang mga nagbabantay na prison guard ng NBP na kasalukuyang nasa gate ng nasabing piitan.
Dito na naitakas ng mga suspek si Cadavero gamit ang dalawang motorsiklong naghihintay sa labas ng bilangguan.
Nataranta naman ang mga prison guard na pansamantalang hindi binanggit ang mga pangalan ng mga ito ng pamunuan ng NBP at wala aniya silang nagawa dahil sa bilis ng mga pangyayari.
Ayon pa sa pulisya, si Cadavero ang itinuturong nasa likod ng Alabang Town Center robbery sa Muntinlupa noong Setyembre 14 at nasa likod din ng 17 beses na pangho-holdap sa mga mall sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan kabilang ang Robinson Metro East, Robinsons Galleria at Robinsons Novaliches, Robinson sa Dasmariñas at Landbank sa Quezon City noong 2008.
Matatandaan na si Cadavero ay dinakip ng mga tauhan ng SPD sa inuupahang bahay nito sa Cavite kung saan nakumpiska sa kanya ang tatlong passbook na naglalaman ng P1.2 milyon, Mitsubishi Montero, Honda CRV at Toyota Innova.
Kasama ring naaresto ang live-in partner ni Cadavero na si Fe Tolentino, at mga miyembro ng sindikato na sina Randy Maratas at Avelino Lagata.
Si Cadavero ay hinatulang mabilanggo dahil sa apat na kasong kinakaharap nito tulad ng robbery holdup ng Quezon City Regional Trial Court Branch 215 noong nakaraang taon at bago ito naaresto ay naunang inaresto ang walo niyang miyembro.
- Latest