MANILA, Philippines - Anak at asawa ang sinasabing pangunahing suspek sa pagpatay sa babaeng natagpuan sa trunk ng kotse sa Caloocan City noong Nobyembre 28.
Pormal na kinasuhan ng pulisya ang suspek na si Jorge Jose Jorge Jr., habang obstruction of justice naman ang isinampa sa ama nitong si Jorge Jose Jorge Sr., 52, kapwa nakalalaya at nakatira sa Bravo St., North Matrixville, Camarin, Caloocan City.
Sa rekord ng pulisya, lumilitaw na dakong alas-5 ng hapon noong Nobyembre 28, 2012 nang matagpuan ang bangkay ni Marilou Jorge, 49, sa trunk ng kanyang Honda Civic (CTF-103) na nakaparada may ilang metro lang ang layo sa kanilang bahay.
Nabatid na nangamoy ang kotse na naging dahilan upang sapilitang buksan hanggang sa makita ang bangkay ng biktima na halos naaagnas na at may palatandaan na pinukpok ito sa ulo.
Dalawang kapitbahay ng biktima ang nagsabing nakita si Jr., na siyang nagparada ng kotse noong Nobyembre 27 ng madaling-araw na naging dahilan upang maging pangunahing suspek.
Sinabi naman ng matandang Jorge na iniwan niya ang kanyang asawa at anak sa loob ng kanilang bahay noong Nobyembre 27, 2012 ng umaga kung saan kontra sa mga sinasabi ng mga saksi.
Kamakalawa ay sinampahan ng kasong parricide ang batang Jorge, habang obstruction of justice naman sa matandang Jorge, dahil halatang may pinagtatakpan sa maling pahayag na ibinigay sa mga pulis.