Kinompronta ni misis dahil sa ibang babae, mister nagbaril

MANILA, Philippines - Himalang nakaligtas ang isang mister matapos na magbaril sa sentido makaraang komprontahin ng kanyang misis hinggil sa pagkakaroon umano ng ibang babae sa Pasig City kamakalawa ng gabi.

Ginagamot sa Pasig City General Hospital ang bik­timang si Jaime Macapigas, 21, at residente ng Mangga Nagpayong, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City dahil sa tinamong isang tama ng bala sa kanyang kanang sentido.

Nabatid na dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang tangkang pagpapatiwakal ng biktima sa loob ng kanilang inuupahang apartment sa Mangga Nagpayong.

Sa salaysay sa pulisya ni Aiza Macapigas, asawa ng biktima, sinabi nito na kinumpronta niya ang asawa dahil sa isang babae na madalas nitong kausapin sa telepono.

Matapos ang argumento ay natulog na umano ang babae sa kanilang kuwarto.

Gayunman, maya-maya lamang umano ay nakarinig na si Aiza ng putok ng baril at nang kanyang tingnan ay nakita ang asawa na duguang nakahandusay sa sahig.

Kaagad naman umanong humingi ng tulong si Aiza sa mga kapitbahay upang ma­isugod sa pagamutan ang mister at malapatan ng lunas.

Show comments