MANILA, Philippines - Dahil sa hindi matanggap ang pagbasted sa kanya ng nililigawan, ipinasya ng isang lalaki na magpakamatay sa pamamagitan nang pagbibigti sa loob ng tinutuluyang gusali sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni PO2 Marlon dela Vega, ang biktima na si Leo John Gamora, 22, hardware salesman at stay-in employee sa CAC Superstore building na matatagpuan sa kahabaan ng EDSA sa Barangay Balintawak sa lungsod.
Ayon kay Dela Vega, patay na nang matagpuan si Gamora, habang nakabigti sa ikalawang palapag ng entrance ng CAC building ganap na alas-3:30 ng madaling-araw.
Ginamit umano ng biktima ang nylon cord na ipinulupot sa kanyang leeg saka itinali sa iron grills.
Ang katawan ng biktima ay nadiskubre ng kanyang kasamahan na si Jovit Barabicho.
Nabatid pa na nauna nang binasted ang nasawi ng nililigawan na tinitingnang dahilan sa pagpapakamatay nito.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon para alamin kung may naganap na foul play sa insidente.