MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director General Leonardo Espina na magkakaroon ng spot promotion ang mga pulis na nakaaresto sa salarin na pumatay sa magpinsang menor-de-edad sa Caloocan City.
Ang paniniyak ay ginawa ni Espina matapos na iharap sa media ang suspect na si Gilbert Fulloso alyas “Berto”, 25, at residente ng Padas Alley, Bgy. 12 ng nasabing lungsod.
Sinabi ni Espina, na nararapat lamang na mabigyan ng spot promotion ang mga pulis na nakaaresto sa suspect nang sa gayon ay maging halimbawa ito sa iba pang tauhan ng Philippine National Police (PNP) upang higit na pagbutihan ng mga ito ang kanilang trabaho.
Kabilang sa mga posibleng mabigyan ng spot promotion sina Chief Insp. Rodrigo Soriano, Sr. Insp. Enrique Torres, SPO4 Arnold Gonzales at SPO3 Joemar Ronquillo, pawang nakatalaga sa Caloocan City Police.
Kasama rin sa mabibigyan ng promotion ay sina PO1 Mark Angelo Encisa, SPO2 Godofredo Encisa at PO3 Alfredo Lauriano Natividad, pawang mga intelligence officer ng Polangui, Albay.
Base sa record ng pulisya, si Fulloso ang itinuturong suspect sa pagpatay sa magpinsan na sina Diana Rose Liza, 15; at Joanna Marie Conrado, 10.
Napag-alaman pa na si Liza ay nagtamo ng 59 na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang ang pinsan nitong si Conrado ay nagkaroon naman ng 23 saksak sa katawan na naging dahilan ng agarang pagkamatay ng mga ito.