MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang lalaking hinihinalang mga holdaper na itinuturong siyang nangholdap sa isang negosyante sa loob ng comfort room ng isang gasolinahan sa Mandaluyong City kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga suspek na sina Potenciano Taguinod, 25, residente ng Rotary Ville, Binangonan, Rizal at Raymond Mercado, 20, ng Village East Bronco, Cainta.
Ang dalawa ay inaresto bunsod ng reklamo ng biktimang si Antonio Ulanday, 46, at residente ng GSIS Village, Project 8, Quezon City.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na dakong alas-10:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa CR ng isang kilalang gasolinahan sa Sierra Madre St., Brgy. Highway Hills.
Sa reklamo ni Ulanday, sinabi nito na nasa loob siya ng CR nang pasukin siya ng apat na hindi kilalang lalaki na kaagad na nag-anunsiyo ng holdap. Habang nakatutok ang isang kutsilyo ay puwersahang kinuha ng mga suspek ang relong Omega ng biktima na nagkakahalaga ng P140,000, gold bracelet na nagkakahalaga ng P160,000 at ang kanyang wallet na naglalaman ng mga ATM cards at iba’t ibang ID.
Matapos na makuha ang pakay ay agad na tumakas ang mga suspek habang kaagad namang nagtungo sa pulisya ang biktima upang i-report ang insidente.
Sa follow-up operation ng mga awtoridad ay naaresto ang dalawang suspek habang nakatakas naman ang dalawang iba pa.
Narekober ng mga pulis mula sa mga suspek ang dalawang balisong, at dalawang pirasong bala mula sa isang .38 caliber revolver.