MANILA, Philippines - Nadakip na rin ng pulisya ang mga madudulas na mga kawatan na miyembro ng “Basag Kotse Gang” makaraang maaresto ang limang suspek sa aktong binabasag ang salamin ng isang nakursunadahang kotse, kahapon ng madaling araw sa Pasay City.
Nakilala ang mga nadakip na suspek na sina Jerome Estrada, Tristan Lumban, Alfredo Maso, Jaylord Aguasa, at Fernando Ongyan na nahaharap ngayon sa kasong pagnanakaw at “damage to properties”.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-5:15 ng madaling-araw nang matiyempuhan ng mga nagrorondang barangay tanod ang mga suspek na binabasag ang salamin ng isang kotse (TIP-906) na nakaparada sa Taft Avenue kanto ng Cartimar.
Agad na humingi ng tulong ang mga tanod sa mga tauhan ng Police Community Precinct 3 at magkakatuwang na inaresto ang mga salarin.
Ayon sa pulisya, ang mga suspek ang itinuturo ngayon na siyang may kagagawan ng napakaraming insidente ng pagnanakaw sa mga nakaparadang sasakyan na puwersahang binubuksan sa pagbasag sa mga salamin.