Jail warden sinibak riot sa Marikina jail: 1 patay, 2 sugatan
MANILA, Philippines - Sibak sa puwesto ang jail warden ng Marikina City Jail makaraang isang preso ang nasawi habang dalawa pa ang sugatan nang magsagawa ng protesta ang mga bilanggo kamakalawa ng hapon dahil sa umano’y pagmamalabis ng mga jailguards.
Tinanggal na ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa kanyang puwesto si J/Sr. Insp. Nicanor Abraham at pinalitan ni J/Sr. Insp. Gregorio Acacio.
Nakilala naman ang nasawing bilanggo na nagtamo ng tama ng bala sa katawan na si Roel Diaz habang sugatan naman sina Jayson Malicdin at John Cariño.
Sa ulat ng Marikina City Police, dakong alas-4:30 kamakalawa ng hapon ng magwala at mag-ingay ang mga bilanggo sa ikalimang palapag ng Marikina Justice Hall. Ipinoprotesta ng mga preso ang umano’y sobrang paghihigpit ni Abraham sa kanila at maging sa kanilang mga bumibisitang kaanak na pinaghuhubad pa umano ng damit at kinakapkapan maging ang mga panloob bago makapasok ng bilangguan.
Tinangka namang papayapain ng mga jailguards ang mga nagwawalang preso hanggang sa isa umano sa mga bantay ang nagpaputok ng baril at tinamaan ang tatlong bilanggo. Agad namang isinugod sa Amang Rodriguez Medical Center ang tatlo ngunit binawian ng buhay si Diaz.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng Marikina Police kung saan inaalam din kung sinong jailguard ang nagpaputok at nakatama sa mga bilanggo. Iniimbestigahan din naman umano ng BJMP ang akusasyon ng mga preso.
- Latest