QCPD at BFP handa na sa Undas
MANILA, Philippines - Handa na ang Quezon City Police District (QCPD) sa inaasahang pagdagsa ng daang libong tao na aalis at dadalaw sa mga sementeryo sa Araw ng Undas.
Ayon kay QCPD director Chief Supt. Mario O. Dela Vega, may 2, 000 pulis ang ipapakalat sa buong paligid ng lungsod, partikular sa mga sementeryo, columbarium, at bus terminals.
Bukod sa mga nabanggit, babantayan din ang mga istasyon ng Metro Rail Transit at Light Rails na nasasakupan nito.
Nauna rito, nagtalaga na si Dela Vega ng Police Assistance Desks (PAD) sa mga bus terminals at dadagdagan pa ang mga ito mga pangunahing lokasyon kung saan marami ang dagdasang tao, para makatulong sa mga nangangailangan.
Tinatayang aabot sa 200,000 katao ang inaasahang bibisita sa mga sementeryo sa lungsod, 60,000 dito ay posibleng bumisita sa Himlayang Pilipino Memorial Park malapit sa Tandang Sora. Nagdagdag din ng puwersa ang QCPD para matiyak na hindi mananamantala ang mga kriminal at mga grupong naghahasik ng kaguluhan sa nabanggit na okasyon.
Samantala, nakiisa naman ang kagawaran ng Bureau of Fire Protection para tumulong sa posibleng mangyaring emergency na magaganap sa araw ng Undas.
Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Officer-in-Charge Ruben F. Bearis, Jr. pina-igting na nila ang “Oplan Kaluluwa” Iwas Sunog, Bantay Motorista” para masiguro ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng pagdiriwang ng Araw ng mga patay sa susunod na linggo.
- Latest