‘Booba’ niratrat sa ulo, patay

MANILA, Philippines - Butas ang ulo ng isang alyas Booba makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Quezon City Police District, si Booba, tinatayang nasa edad na 30-35, ay binaril ng suspect sa harap ng isang bahay sa Basilan St., Salaam Mosque compound, Brgy. Culiat, ganap na ala-1:25 ng madaling-araw.

Bago ito, ayon kay Basher Elam, barangay tanod, natutulog na siya sa loob ng kanyang bahay nang makarinig siya ng mga putok ng baril sa labas. Nang tingnan niya ang pinagmulan ng putok ay doon niya nakita ang duguang katawan ng biktima. Agad niyang ipinabatid ito  sa pulisya.

Sa pagsisiyasat ng CIDU narekober sa lugar ang isang sachet ng shabu at isang sachet ng marijuana.

Pinalalagay ng awtoridad na droga ang ugat ng nasabing pamamaslang, gayunman patuloy ang pagsisiyasat na kanilang ginagawa para matukoy ang tunay na motibo nito.

Ang biktima ay nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo na siyang agad na ikinamatay nito.

 

Show comments