MANILA, Philippines - Umaabot sa P3.5-M halaga ng mga na pekeng seasoning products ang nasamsam ng mga elemento ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang tatlong magkakahiwalay na raid sa Tondo, Manila, Caloocan at Quezon City.
Ayon kay PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng Anti-Fraud and Commercial Crime Division (AFCCD) at nakakumpiska ng 324,933 piraso ng pekeng Maggie Magic Sarap products ng Nestle Philippines at 181,459 piraso ng Knorr Sinigang Mix products ng Uniliver Philippines na nagkakahalaga ng P3,585,310.00.
Sinabi ni Pagdilao na ang matagumpay na raid ay base sa inisyung search warrant ng korte.
Ayon kay Pagdilao, sinaksihan ng mga kinatawan ng Nestlé at Uniliver Philippines ang isinagawang raid ng mga awtoridad sa isang bodega sa Tondo, Manila Balintawak Public Market sa Quezon City at Vista Verde North Subdivision sa Caloocan City nitong Oktubre 22 at 23.
Ang mga nasamsam na pekeng produkto ay pansamantala namang inilagak sa Carepak Moving and Storage Warehouse na pag-aari ng isa sa naturang kumpanya ang 3rd party na bodega sa Parañaque City.