Ander de saya

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Pancho, 32 anyos at may asawa. Tampulan ako ng tukso ng aking mga barkada na tumatawag sa akin na ander de saya.

Noong binata pa ako 8 years ago, lagi nila akong kasama sa gimikan at inuman.

Ngunit nang maging girlfriend ko na ang misis ko ngayon ay dumalang ang pagsama ko sa kanila.

Ganap itong tumigil nang magpakasal kami ni Michelle.

Siyempre gusto kong bumuo ng matinong pamilya at alam kong maraming nasirang tahanan dahil sa masamang bisyo.

Minsan habang papauwi ako ay niyaya ako ng inuman ng mga katropa ko pero tumanggi ako.

Nagpantig ang tenga ko nang tawagin akong takuza ng isa sa kanila. Hindi ako nakapagpigil at kinuwelyuhan ko siya at akmang susuntukin ngunit inawat ako ng isang kaibigan.

Nag-sorry naman siya sa akin at sinabing hindi na niya ako tutuksuhin.

Nag-sorry rin ako at sinabi ko sa buong barkada na hindi ako under kundi responsa-bleng asawa dahil mahal ko ang asawa ko lalo pa’t magdadalawa na ang aming anak.

Minsan ay naiisip kong pagbigyan sila paminsanminsan para hindi nila isiping dumidistansya na ako sa kanila.

Tama po bang gawin ko ito?

Pancho

Dear Pancho,

Isa kang matinong lalaki at wasto ang ginagawa mong hindi na pagsali sa dating ginagawa ninyo ng iyong barkada.

Hindi masamang saglit na makiumpok sa kanila para ipakitang kaibigan pa rin ang turing mo sa kanila.

Kausapin mo sila at makipagkwentuhan ka  pero huwag ka nang sumali sa inuman ng nakalalasing na inumin.

Ipaliwanag mo sa kanila ang iyong na-ging pagbabago mula nang mag-asawa ka at baka sila man ay maakit  mong tumigil na sa masamang bisyo alang-alang sa ikabubuti ng kanilang pamilya.

Dr. Love

Show comments