Dear Dr. Love,
Ako po si Arnel. Hindi ko lang ipinapakita na mahina ang loob ko kapag kasama ko ang aking dalawang anak. Mahirap para sa akin ang magkahiwalay kami ng misis ko. Hindi ko inakalang ipagpapalit niya ako sa boss niya.
Kahit kailan hindi ko siya pinagdudahan. Kahit may naririnig na ko tungkol sa kanila ng boss niya. Iniisip ko na hindi kayang gawin ng misis ko ‘yun.
Sinisisi ko ang aking sarili dahil natanggal ako sa trabaho nitong pandemic. Tatlong taon na tiniis ko na ako ang nag-aalaga sa aming anak. Nagkamali pala ako, hindi lang tatlong taon ko aalagaan mag-isa ang mga anak namin, kundi hanggang sa lumaki na sila.
Nagkausap kami ng misis ko. Ipinagtapat naman niya ang lahat. Humingi siya ng tawad sa akin pero hindi ko na siya tinanggap muli. Kahit alam kong mahirap pero wala akong magawa dahil hindi ko na kinaya ang panlolokong ginawa niya.
Hindi ko man maibigay sa aking mga anak ang pagiging nanay sa kanila, sisiguraduhin kong magiging mabuting ama ako na gagabay sa kanila. Pilit pa ring nakikiusap ang dati kong asawa pero hindi ko pa siya talaga mapatawad.
Arnel
Dear Arnel,
Pag-isipan mong mabuti kung may kahit isang dahilan para magsama pa rin kayo ng iyong asawa.
Kung kasal kayo, hindi siya maaaring sumama sa boss niya. Kung may legal ding asawa ang kanyang boss ay may problema pa rin sila. Suriin mong mabuti kung magsasama kayo alang-alang sa kapakanan ng mga bata. Mainam na kumunsulta kayo sa mga marriage counselors. Baka may isa pang pagkakataon na pwede mong ibigay sa iyong misis kung totoo naman siyang nagpapakumbaba sa iyo.
DR. LOVE