Malaking pagsubok

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang ninyo akong Aling Baby. Aktibo kami sa church bilang head couple sa aming household group. Marami na rin ka-ming natulungang mga nagsasama na hindi pa kasal.

Nai-invite rin kami sa ibang mga lugar para mag-share ng aming mga experience bilang mag-asawa, kung paano maging masaya ang isang relationship at kung paano maglingkod kay Lord bilang couple.

Ngunit binigyan kami ng malaking pagsubok ni Lord. Ang akala ng iba dahil naglilingkod na kami sa church ay maayos na ang lahat.

Epekto pa rin ng pandemic, nawalan ng trabaho ang mister ko. Lahat ng pwede nang mag-retired ay tinanggal na at kasama roon ang asawa ko. Hindi rin nasunod ang dapat na malaking perang tatanggapin niya, pero nangako naman ang kanilang company na kapag nakabawi sila at umasenso na uli ay maaari pa rin silang makatanggap ng tulong mula sa kanilang company.

Ok na, dahil may pangpuhunan na kami sa maliit naming tindahan. Ang isa pang naging problema ay ang apo namin sa aming panganay na anak, nasa 12 taong gulang, naospital siya. Kailangan ang malaking pera para mao-perahan ang bata. Nahulog kasi sa hagdanan at nabali ang kanyang buto sa braso.

Hindi namin matanggihan na tulungan ang aming apo. Mahal namin siya dahil halos kami na ang nagpalaki sa kanya. Nito lang nang nag-aaral na siya nang alagaan ng kanyang ina.

Kaysa magsisihan, gumawa na kami ng paraan para maiayos ang nabaleng buto niya. Naubos tuloy ang natanggap ng mister ko na sana’y pangpuhunan namin.

Aling Baby

Dear Aling Baby,

Totoo ang iyong nabanggit, hindi dahil naglilingkod ka na sa Diyos ay magiging maayos na ang lahat. Ang hindi alam ng iba, pareho pa ring nakararanas ng pagsubok ang bawat isa tulad pa rin ng iba na hindi naglilingkod sa Diyos.

Ang mainam lamang ay hindi nawawalan ng pag-asa ang taong patuloy na naglilingkod sa Kanya.

Tiwala ako na mapagtatagumpayan ninyo ang lahat ng inyong pagsubok.

Tulad din ng ginagawa na ninyo, talagang kailangan ang magtulungan bilang isang pamilya.

Huwag kang mag-alala dahil may paraan ang Diyos sa mga taong naglilingkod ng tapat sa kanya. Kung ang hindi nga nakakakaalala sa Diyos ay nabibiyayaan Niya, ano pa kaya ang taong nagtitiwala at may mabuting kalooban sa iba.

Ipagdasal mo na maging maayos ang operasyon ng inyong apo.

DR. LOVE

Show comments