Dear Dr. Love,
Itago mo na lang ako sa pangalang Iza, 23 anyos. Magkasintahan kami ni Ding simula pa noong kami ay mga teenager pa lamang. Talagang nakatakda na ang aming kasal sa darating na taon pero ipinasya kong ikansela ito.
Nabalitaan ko kasi na may ibang kinalolokohang babae si Ding. May nagpadala pa sa akin ng larawan, sa isang parke na kayakap ni Ding ang babae niya.
Dala ng matinding panibugho, agad akong nakipag-break sa kanya. Hindi ito kinaya ni Ding at sa kabila ng mga paliwanag niya, hindi ko siya pinaniwalaan.
Labis na bumagsak ang kalusugan ni Ding hanggang maratay sa karamdaman. Bunga ng kanyang pag-inom ng alak, napinsala ang kanyang atay at nagkaroon ng karamdamang hindi na kayang gamutin ng medisina.
Naawa ako sa kanya at dinalaw ko siya sa pagamutan. Naroroon ang babaeng pinaghinalaan kong kasintahan niya.
Doon ko napatunayan na magkapatid sila. Ang babae ay matagal nang naglayas sa bahay nila at nang maaktuhan silang magkayakap ay ‘yun ang pagkakataong muli silang nagkita.
Noon pa ipinaliliwanag sa akin ito ni Ding pero ayaw kong maniwala.
Nagsisisi ako sa aking katigasan at ‘di pakikinig sa kanyang paliwanag. Patay na si Ding at sinisisi ko ang sarili ko sa nangyari.
Ano ang dapat kong gawin?
Iza
Dear Iza,
Wala ka nang ibang magagawa pa kundi kalimutan ang mga pangyayari.
Sisihin mo man ang iyong sarili, hindi na naibabalik ang buhay ng iyong kasintahan.
Pero may kasabihan nga na sa bawat masaklap na pangyayari sa buhay ng tao, ito ay may katumbas na ginintuang aral.
Huwag mo nang hayaang hadlangan ng isang masakit na kahapon ang kaligayahan mo sa hinaharap.
Dr. Love