Huwag sa sugal umasa
Dear Dr. Love,
Tawagin na lamang ninyo akong Jok-Jok. Kung akala ninyo lalaki lang ang mahilig sa online sabong, ibahin ninyo ang misis ko.
Nag-umpisa siyang mag-online sabong nung wala na kaming panggastos. Sinugal niya ang pera namin.
Wala akong magawa dahil ‘yung lang ang kinita ko nung araw na iyon.
Nanalo siya ng dalawang libo sa tatlong bases niyang taya. Simula noon, nawili nang tumaya ang misis ko.
Siya ang naiiwan sa tatlong anak namin. Maghapon kasi akong nagtatawag ng pasahero sa jeep na humihinto sa kanto ng aming lugar.
Ayoko namang magkalakal dahil hindi ko tanggap ang kalagayang ganun. Para lalo ko lang pinababa ang kalagayan namin.
Bilib nga ako sa lakas ng loob ng mga na-ngangalakal dahil kumikita talaga sila.
Ginusto ko na ‘to dahil hindi ako masyadong pagod, ‘yun lang masakit sa lalamunan kapag maghapon.
Ayoko rin namang magsugal. Pero si misis nakikipagsapalaran. Minsan talo, konting tiis pero kapag pinalad naman ay may masarap kaming ulam.
Umaasa ako sa mga pulitiko ngayon. Mabuti at naaabutan kami at may kasama pang grocery.
Sana kung sino ang manalo sa kanila, talagang matulungan kaming mahihirap. Gusto ko rin naman ng maayos na buhay.
Jok-Jok
Dear Jok-Jok,
Alam kong mahirap ang maging mahirap. Marami kang gusto na hindi mo magawa.
Kaya sa diskarte na lang umaasa, na minsan walang kasiguraduhan kung sasapat sa buhay ang mga naiisip ninyong distarke.
Basta alalahanin ninyo na mas mainam ang umasa sa tama at siguradong paraan. Maraming proyekto ang ating gobyerno para sa inyo.
Huwag ka lang mahiyang lumapit at tiyak na matutulungan kayo.
Kailangan lang ang sikap at tiyaga. Kaya naman naririyan ang mga ibinoboto na-ting mga kandidato ay para matulungan kayo.
Kahit sino ang manalo, tiyak na may puwang ang kanilang puso para sa mahihirap.
Sabihan mo ang iyong asawa na huwag sa sugal umasa. Gawin mo ito sa paraan may lambing at mahinahon para hindi pagmulan ng hindi pagkakaunawaan ninyo.
DR. LOVE
- Latest