Isang babalikan, isang iiwanan

Dear Dr. Love,

Taong 2018 nang iwanan ako ng asawa kong si Simon dahil sa ibang babae. Dinamdam ko ito. Matapos ang halos isang taon ay nakilala ko si Martin at nagkaroon kami ng relasyon.

Kahit kasal kami ni Simon, nakisama ako kay Martin dahil sa aking pangungulila. Wala akong anak kay Simon pero sa pagsasama namin ni Martin ay nagkaroon kami ng anak na kambal.

Mahal ko pa rin si Simon kaysa kay Martin at naiisip ko na kung magbabalik si Simon sa akin ay tatanggapin ko siya. Pero ngayong may anak na kami ni Martin, at kambal pa, paano na ang kahihinatnan ng aming mga anak?

Hindi nagkabula ang hinala ko, kamakailan ay binabalikan ako ni Simon at nagsisisi sa kanyang naging kasalanan. Sinabi ko sa kanya na may kambal na akong anak kay Martin. Sabi niya, magsama kaming muli pero huwag kong dadalhin ang kambal kong anak.

Dr. Love, mahal ko ang aking kambal at hindi ko puwedeng iwanan. Nang sabihin ko ito kay Martin, sinabi niya na nararapat lamang na balikan ko ang lalaking tunay kong asawa pero huwag kong dadalhin ang aming dalawang anak.

Ano ang gagawin ko?

Lagring

Dear Lagring,

Kung tatanungin mo ako, sadyang si Simon ang dapat mong balikan dahil kasal ka sa kanya at mahal mo siya. Pero ngayon ay nakaipit ka sa dalawang nag-uumpugang bato. Isa lang ang dapat mong piliin. Si Simon o ang iyong kambal?

Hindi mo maaaring piliin ang dalawa.  Karaniwan, ang mga anak ay laging mas matimbang para sa isang ina na katulad mo. Ikaw ang naghirap at halos nagbuwis ng buhay para sila ay mailuwal. Pero sa kaso mo, sinasabi mong mahal mo si Simon.

Ang problema lang, kung ang mga anak mo ang iyong pipiliin, mapipilitan kang mabuhay sa kasalanan sa patuloy mong pakikipisan sa isang lalaking hindi mo naman asawa.

Isang problema iyan na tanging ikaw lang ang makapagpapasya.

Sakripisyong ma-laki kung iiwanan mo ang iyong dalawang anak para balikan ang iyong tunay na asawa para sa isang Kristiyanong may takot sa Diyos, iyan ang dapat at tamang gawin.

Dr. Love

Show comments