Magkapatid, magkasintahan

Dear Dr. Love,

Masaganang Bagong Taon sa iyo at sa marami mong tagasubaybay mo. Tawagin mo na lang akong Viola, 52 anyos. May kaisa-isa akong anak na babae na naging bunga ng aking unang pag-ibig na naun-syami.

Buti na lang at tinanggap ng lalaking napangasawa ko ang ipinagbubuntis ko at ako’y kanyang pinakasalan sa kabila nito. Itinuring niyang sariling anak ang supling ko sa ibang lalaki at walang nakaalam nun. Kahit ang ama ng anak ko ay hindi ito nalaman dahil matapos niyang makuha ang pagkababae ko ay bigla na lang akong iniwan at nagpakasal sa iba.

Dalawampung taon na mahigit ang lumipas. Nagkaroon ng boyfriend ang aking anak at seryoso ang kanilang relasyon. Nang dalhin ng anak ko ang kasintahan niya sa bahay, natural lang para sa isang ina ang mag-usisa sa pagkatao nito.  Nagulat ako nang mabatid ko na ang ama niya ay ang dati kong kasintahan. Nakumpirma ko lalo ito nang magpakita sa kanyang cellphone ng family picture ang lalaki. Ang anak ko at ang kasintahan niya ay magkapatid sa ama.

Sinabi ko ito sa aking mister at pareho kaming nagugulumihanan ngayon. Baka magdamdam at masaktan ang aking anak kapag nabatid niya ito. Tulungan mo po ako.

Viola

Dear Viola,

Tama ka, masasaktan ang iyong anak kapag nabatid ang lahat. Pero dapat ninyong ipagtapat na mag-asawa ang lahat sa kanya para hindi sila magkatuluyan.

Masaktan man siya, naniniwala ako na panandalian lang ito at maghihilom din ang sugat pagdating ng panahon. Mas masama kung magkakatuluyan sila na pareho ang dugong nananalaytay sa kanilang pagkatao. Baka magkaroon sila ng mga supling na may genetic defects o abnormal.

Kaya habang hindi pa huli ang lahat ay kausapin ninyo ng sarilinan ang inyong anak at ipagtapat ang buong katotohanan.

Dr. Love

 

 

 

 

Show comments