Dear Dr. Love,
Tawagin nalamang ninyo akong Libra dahil October 23 ang birthday ko. Gusto ko lang magpasalamat sa anak ko. Akala ko kasi wala na siyang silbi, nag-asawa ng maaga at parehong nakikitira sa amin. Tapos ako ang nag-aalaga ng aking unang apo.
Aaminin ko, lagi kong inaaway ang kanyang asawa dahil naiinis ako kapag naaalala ko na nang dahil sa kanya ay natigil sa pag-aaral ang anak ko. Nasira lahat ng pangarap ko sa kanya. Pero mali pala ang akala ko, masipag at maasikaso ang mister niya. Baligtad pa nga, siya na ang naghahanapbuhay, siya pa ang naglilinis at nagkukumpuni ng mga gamit namin.
Wala na rin kasi ang asawa ko, iniwan na kami ng aking anak. Kaya parang nabagsakan ng pader ang buong pagkatao ko. Iniwan, ipinagpalit sa iba at nabuntis pa ang aking anak.
Wala na akong inaasahan talaga kundi ang aking anak na babae. Umaasa na lang din ako sa Diyos na makaahon pa kami sa buhay.
Nawala nga ang mister ko pero marunong talaga ang Diyos, hindi niya kami pinabayaan. Ang lalaking akala ko na magiging pabigat sa aming dalawa ng anak ko ay siya palang makakatulong ng maigi sa amin.
Lahat ng sweldo niya, ibinibigay niya sa aking anak. Sinabihan ko na magtabi rin siya ng pang-good time niya at para sa mga pangangailangan niya sa kanyang sarili.
Siguro may pagkukulang din ako sa aking mister, kasi hindi ko siya laging naaasikaso tulad nang nakikita ko sa aking anak. At hinahanap ko sa kanya ang magarbong buhay, na hindi niya maibigay sa akin.
Gusto ko rin sanang makabawi sa kanila kahit sa pag-aalaga sa mga apo ko. Buntis ang anak ko sa pangalawa nilang anak.
Mrs. Libra
Dear Mrs. Libra,
Alam mo ang pagdududa ay lagi nating mararanasan, lalo na kung may nanloko na sa atin sa nakaraan.
Huwag mong sisihin ang sarili mo sa iyong kawalan ng tiwala sa naging mister ng anak mo. Kung may pagkukulang man sila ay dala na rin iyon ng kanilang murang mga isipan.
Nakuha mong hindi magtiwala dahil ayaw mo nang masaktan uli tulad ng ginawa ng iyong mister.
Malamang, nauunawaan ng anak mo at ng kanyang naging asawa ang inyong kalagayan kaya tinutulungan ka nila. Tama lang na bigyan mo ng higit na pagpapahalaga ang kanilang ginagawa bilang magulang nila at bilang lola sa mga apo. Just stay nice, smile and be safe.
DR. LOVE