Dear Dr. Love,
Tatlo na po ang nagiging boyfriend ko pero hindi ko maintindihan kung bakit walang nagtatagal sa aking pakikpagrelasyon.
Lahat naman sila ay nanligaw sa akin at tiniyak ko naman na sa bawat pagkakataon na sasagot ako sa aking manliligaw ay talagang mahal ko siya.
Pero bakit po ang laging ending ay makikipaghiwalay sila sa akin?
D’un sa una, pa-hard to get ako at ito ang inayawan sa akin ni Eric. Para sa kanya ay masyado raw akong pakipot. Pinahirapan ko anya siya sa simula pero nang tumagal na ay ako na raw ang naghahabol at masyadong possessive.
Sa pangalawa naman, hindi ako nagpa-sweet at madalas ay hindi ko siya pinapansin. Inayawan din niya ako dahil parang walang sense raw ang pagiging mag-boyfriend namin. Hindi raw niya ako mahalikan sa oras na gusto niya. Pero nung nag-break kami ay habol naman daw ako nang habol at ayaw ko siyang pakawalan.
Nitong huli, medyo matagal bago ko siya sinagot dahil dalang-dala na ako sa love at first sight.
Sa kanilang lahat, alam ko na si Marlon ang talagang mahal ko. Dahil iniyakan ko nang husto nang magkahiwalay kami. Pero malabo nang magkabalikan kami dahil mayroon na siyang iba.
Ngayon takot na ako ma-in love. Kahit type ko ang nagpaparamdam sa’kin, ang style ko ngayon ay binabara ko sila. Tama po ba ang ganong strategy?
Ang sabi ng mga kaibigan ko ay subukan ko raw magpakatotoo at huwag mag-pretend.
Wala pa akong 18 years old, Dr. Love at nag-iisang babae sa limang magkakapatid. Kaya madalas ay hinihigpitan ako sa pagpapaligaw at bantay sarado ng mga kapatid kong lalaki.
Tulungan po ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin para makatagpo ng lalaking magmamahal talaga sa akin ng totoo?
Maraming salamat po at hintay ko po ang kasagutan ninyo.
Gumagalang,
Editha
Dear Editha,
Sa palagay tama ang mga kaibigan mo na magpakatotoo ka. Tantanan mo na ang kaka-style mo sa mga nagiging boyfriend mo. Kung ano ang pagkatao mo ay siyang ipakita mo sa kanila, para totoo rin ang ipakita nilang pagpapahalaga sa’yo.
Pero para sa akin ay mas mabuti pang huwag mo munang masyadong pagtuunan ng pansin ang pagbo-boyfriend dahil bata ka pa. Mag-focus ka muna sa iyong pag-aaral, makakatulong ito para mag-matured ka sa pakikipagrelasyon.
Dr. Love