Dear Dr. Love,
Matagal ko nang kursunada si Liezl pero nagpigil akong ligawan. Nangangamba akong pagtawanan niya lang ako dahil sa pagitan ng katayuan namin sa buhay.
Isang hamak na mekaniko lang po kasi ako, na nakapagtapos ng vocational, samantalang siya ay kumukuha ng medisina at nagbabalak pang magpakadalubhasa sa Amerika.
Pero nang malaman ko na ikakasal na siya sa isang photographer, may kurot sa puso ko dahil lamang lang ng ilang paligo sa akin si Hector. Sising-sisi ako, Dr. Love dahil kung noon pa ay nagtapat na ako kay Liezl, ako sana ang nasa katayuan ni Hector.
Magkagayunman ay humanap pa rin ako nagtiyempo na makausap ko siya nang sarilinan. Nang minsan magkasabay kami sa daan, sinabi ko sa kanya na matagal ko na siyang gusto. Tumawa siya at sinabing puro ako biro, sabay sabing kung sana noon ko pa raw sinabi.
May paghihinayang man ako deep-in-side, Dr. Love pero nagpapasalamat pa rin ako dahil binigyan pa rin ako ni Liezl ng pagkakataon na ipagtapat sa kanya ang damdamin ko at hindi siya nagalit.
Maraming salamat din sa iyo, Dr. Love sa pagbibigay mo ng pagkakataon sa aking letter.
Sumasainyo,
Danny
Dear Danny,
Sa larangan ng pag-ibig, hindi mainam ang magpatumpik-tumpik lalo na kung nasa harap mo na ang pagkakataon na ihayag ang iyong damdamin. Pero pasalamat pa rin dahil sa kabila nang iyong panghihinayang ay naipagtapat mo rin ang damdamin mo.
Isipin mo na lang na hindi kayo para sa isa’t isa at may nakalaan na kaligayahan para sa’yo. Sikapin mo pa rin na maging masaya sa kaligayahan ng babaeng matagal mo nang gusto.
Dr. Love